Inakusahan ang mga kasapi ng Makabayan bloc sa Kamara ng panloloko o panlilinlang sa mga pamilya ng napatay ng New People's Army (NPA) na sina football player Keith Absalon at pinsang si Nolven.
Ang akusasyon ay ginawa ng Department of Interior and Local Government (DILG) dahil sa pagkumbinsi ng Makabayan bloc na maghain ng kaso ang mga pamilya sa Joint Monitoring Committee (JMC) na tumatanggap umano ng mga reklamo sa paglabag sa International Humanitarian Law ng mga NPA. Paglililnaw ng DILG, ang JMC ay binuwag na at wala nang hurisdiksiyon sa usapin. Sinabihan ng mga kongresista ng Makabayan bloc ang mga naiwan nina Keith at pinsang si Nolven, isang labor leader, na mag-file ng reklamo sa JMC.
Sinabi ni DILG Usec Jonathan Malaya na ang payo ng bloc sa Absalon family ay isang "false hopes" dahil ang JMC ay hindi na umiiral sapul nang bumagsak ang peace negotiations sa pagitan ng gobyerno at ng Communist Party of the Philippines-NPA-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
"The Joint Monitoring Committee was disbanded many years back. It no longer exists, It's just unfortunate that the Makabayan bloc is misleading the Absalon family that is demanding justice for the death of Keith and Nolven," ani Malaya.Matatandaang binawian ng buhay sina Keith at Nolven nang masabugan ng landmine habang nagbibisekleta sa Masbate.
Ayon kay Malaya, makapagbibigay lang ng hustisya ang NPA kung isusuko ang mga miyembro na sangkot sa pagtatanim ng landmine sa isang lugar na pinaninirahan ng mga sibilyan.
Bert de Guzman