Aminado ang Department of Health (DOH) na nahihirapan sila sa paghahanap ng mga aplikante para sa isinasagawang emergency hiring program ng mga medical frontliners na tutulong sa laban ng bansa kontra coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Kaugnay nito, muling umapela si Health Secretary Francisco Duque III sa mga nurse at doktor sa bansa na tumalima sa panawagan ng pamahalaan para sa mas maraming COVID-19 medical frontliners, lalo na ngayong nagkakaroon ng surge ng mga bagong kaso ng sakit sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ipinaliwanag ni Duque na ilang registered nurses at mga doktor ang naghahanap ng mas magandang trabaho sa ibang bansa o kaya naman ay pumapasok sa ibang non-medical professions habang ang iba pa ay natatakot naman na mahawahan ng COVID-19.
Hindi naman aniya masisisi ang mga ito na mangamba ngunit nakiusap na sa panahong ito ng pandemya ay huwag sana silang magdalawang-isip na makipagtulungan sa bansa.
“Hindi mo naman masisisi dahil merong pangamba pero ako ay nakikiusap sa kanila sa panahong ito, wala naman pong ibang magtutulungan kundi tayo-tayong mga Pilipino,” ayon kay Duque.
“Tayong mga nurse, mga doktor, alam naman natin na ang trabaho natin e mangalaga ng pasyente. Kung iilag tayo sa ganoong trabaho, bakit tayo nagpaka-nurse, nagpaka-doktor kung sa bandang huli pala ay manlalambot tayo at 'di natin kakayanin? ‘Di ba?” aniya pa.
Kasabay nito, tiniyak rinnaman ni Duque sa mga nurses na ang personal protective equipment (PPE) at iba pang kinakailangang kagamitan ay ipagkakaloob ng DOH sa buong bansa upang matiyak na ang mga pasyente at mga medical frontliners ay protektado laban sa COVID-19.
Mary Ann Santiago