Nais malaman ng isang kongresistang nasa hanay ng Makabayan bloc kung sino ang Undersecretary na umano'y nag-oorganisa ng tinatawag na troll farms para gamitin sa 2022 elections.
Itinatanong ni Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite kung ang opisyal ding ito ang nasa likod ng red-tagging sa progresibong mga grupo at nagtuturong mga komunista ang miyembro ng bloc.
Matatatandaang ibinunyag ni Senator Panfilo Lacson na isang Undersecretary ang lumapit sa dating miyembro ng kanyang staff upang humingi ng tulong sa pag-oorganisa ng dalawang "troll farms" sa bawat probinsiya na gagamitin umanong paninira sa mga grupong oposisyon na may kandidato sa 2022 national elections.
Kaugnay nito, nanawagan ang kongresista kay Lacson na maglahad pa ng mga detalye at tukuyin kung sino ang nabanggit na opisyal ng gobyerno.
Bert de Guzman