Isang 46-anyos na lalaki, na sinasabing nagpaputok ng baril, ang napatay nang makipagbuno sa isang pulis na nagtangkang umaresto sa kanya sa Mandaluyong City nitong Linggo ng gabi.

Dead on arrival sa Mandaluyong Medical Center ang suspek na si Alfredo Nuñez, at taga-Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, Mandaluyong City.

Sa ulat ng Mandaluyong City Police, ang insidente ay naganap sa naturang lugar, dakong 9:00 ng gabi.

Ayon kay Mandaluyong Police chief Col. Gauvin Mel Unos, bago ang insidente ay nakita si Nuñez na nagwawala at nagpaputok ng baril.

PRO3, nilinaw pagkaaresto sa mga Aeta sa Mt. Pinatubo

Kaagad namang rumesponde si S/Sgt. Aldin Saligo ng anti-carnapping unit, na nagkataong nasa lugar para tugisin ang isang wanted na suspek.

Pinaputukan umano ni Nuñez si Saligo, gayunman, hindi tinamaan at gumanti rin ng putok ng baril.

Dahil dito, itinapon umano ni Nuñez ang kanyang bitbit na Cal. 45 pistol at tumakas.

Hinabol naman ni Saligo si Nuñez at nang maabutan ito ay tinangkang arestuhin.

Gayunman, nanlaban umano ang suspek, na nauwi sa kanilang pagbubuno hanggang sa pumutok ang dalang baril ni Saligo at natamaan ang suspek.

Mary Ann Santiago