Iginiit ni Vice President Leni Robredo na wala pa siyang pinal na desisyon kung tatakbo siyang presidente o gobernador sa Camarines Sur sa darating na halalan 2022.
Paliwanag ni Robredo sa kanyang programa sa radyo, nagkita sila ni dating Camarines Sur 1st District Rep. Rolando Andaya Jr. nitong Pebrero dahil inaanyayahan siya nitong tumakbo bilang gobernador.
Saad ni Robredo na palagi siyang “honest” sa publiko na bukas siya sa pagtakbo para sa lokal na posisyon sa kanyang probinsya.
Ito rin, aniya, ang sinabi niya kay Andaya, na kamakailan ay nagkumpirma na tatakbo si Robredo bilang gobernador ng Camarines Sur.
“In fact, ilang beses kong sinabi na kung walang ibang considerations ang preference ko local pero wala pa akong desisyon. And sinabi ko rin sa kanila na hindi pa ako makakapagdecide soon dahil may mga responsibilities ako sa national na hindi pwede kong talikuran nang basta-basta” paliwanag ni Robredo.
Dagdag pa niya, makapagdedesisyon lamang siya na tumakbo bilang gobernador kapag nagdesisyon na siyang hindi tumakbo sa pagkapangulo.
“Makakapagdecide lang ako with finality kung tatakbo ako sa lokal kapag naayos ko na iyong national. Kapag naayos ko na, hindi ako tatakbo sa pagkapresidente,” aniya.
Inamin din ng bise presidente na magandang opsiyon ang pagtakbo bilang gobernador lalo’t matatapos na ang termino ni Camarines Sur Governor Miguel Luis Villafuerte, bagamat nakatuon siya ngayon sa kanyang oblikasyon sa nasyunal na politika.
“Madaming naghihintay sa desisyon sa national. Ito muna ‘yung uunahin ko. Kapag nasettle ko na ito, pwede na akong tumutok kung kakandidato ba ako sa lokal,” ayon kay Robredo.
Ibinasura rin ni Robredo ang mga paratang na kinukumbinsi siya ni Andaya at ng grupo nito na bumalik sa lokal na pulitika para bigyang daan ang presidential bet ng administrasyon.
Matatandaan na si Andaya ay kaalyado ni Duterte at sumusuporta sa anak ng pangulo na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa posibleng pagtakbo nito sa presidential election.
Raymund Antonio