ni Mary Ann Santiago

Nasa mahigit 20,000 residente na ng lungsod ng Maynila ang nabakunahan laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) hanggang kahapon.

Ito’y matapos na gugulin ng mga opisyal at empleyado ng Manila City hall ang kanilang Mahal na Araw sa pagpapatuloy ng swabbing at pagbabakuna ng mga residente, sa 12 designated sites sa lungsod.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, na isa ring Katoliko, humingi siya ng pang-unawa sa Panginoon dahil sa pagpapatuloy ng pagbabakuna sa lungsod, bilang bahagi ng pagsusumikap ng lokal na pamahalaan na mabigyan ang mga residente ng karagdagang proteksiyon laban sa COVID-19.

National

143 Pinoy, pinagkalooban ng pardon ng UAE – PBBM

Nabatid na wala namang vaccination na naganap nitong Biyernes upang mabigyang-daan ang disinfection sa mga lugar na ginagamit bilang vaccination centers.

Pinuri rin ng alkalde sina Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan na personal na nangunguna sa kanilang vaccinating teams sa pagtupad sa tungkulin kahit pa panahon ng Semana Santa.

Nagsagawa rin naman si Moreno ng random visits sa mga vaccination sites, na dalawang public schools para sa bawat isa sa anim na distrito ng lungsod.

Sa Sta. Ana Hospital, tuloy pa rin naman ang libreng swabbing kahit nitong Biyernes Santo, alinsunod sa kautusan ng direktor nito na si Dr. Grace Padilla, at bilang pagtalima sa panawagan ng alkalde sa publiko na i-avail ang free swab testing.

Ayon kay Padilla, sa Sta. Ana, nasa 72% na ng kanilang health workers ang nabakunahan.

Kahapon, ang vaccination sa A3 group o persons with comorbidities na nagkakaedad ng 18 to 59 anyos ay isinagawa sa Emilio Jacinto Elementary School at Isabelo delos Reyes Elementary School sa District 1;Osmena High Schoolat Benitez Elementary School sa District 2; Bonifacio Elementary School at Pedro Guevarra Elementary School sa District 3; Ramon Magsaysay High School at Gen. Malvar Elementary School sa District 4;Rafael Palma Elementary School at Justo Lucban Elementary School sa District 5; at Jacinto Elementary School at EARIST College sa District 6.

Iniulat naman ni Lacuna kay Moreno na ang bilang ng mga nakapag-avail na ng libreng bakuna kahapon ay umabot na sa 5,163 hanggang 2:00 PM lamang ng hapon.

Upang makapagpabakuna ang mga may comorbidity, sinabi ni Moreno na kinakailangan lamang ng mga ito na magdala ng medical certificate na naisyu sa loob ng 18 buwan; reseta ng maintenance medicine sa nakalipas na anim na buwan; hospital records gaya ng discharge summary o medical abstract o surgical at pathology records.

Ang mga nagpa-preregister naman aniya ay maaring magdala ng kanilang waiver form o QR code para sa verification purposes.