ni Bert de Guzman
Dapat pagkalooban ng panibagong ayudang-pinansiyal ang mga mahihirap na pamilya dahil sa patuloy na pananalasa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic sa bansa.
Inihayag ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte, kailangang bigyan ng ika-3 round ng social amelioration program (SAP) ang mahihirap dahil patuloy ang pagkawala ng trabaho ng mga tao at pag-iral ng mataas na presyo ng bilihin na labis na nakaaapekto sa mga ito.
Ipinanukala ng mambabatas ang pagkakaloob ng subsidya na P10,000 sa bawat benepisyaryo sa pamamagitan ng Bangon Pamilyang Pilipino (BPP) assistance program.
Aniya, ang ikatlong round ng cash subisidy sa mahihirap ay makatutulong sa gobyerno para mapigil ang higit nilang paghihirap sa gitna ng matataas na presyo ng bilihin, patuloy na pagdami ng bilang ng nawawalan ng trabaho at pagbagsak ng ekonomiya.