ni Mary Ann Santiago
Tiniyak kahapon ng Department of Health (DOH) na nananatiling operational ang lahat ng 17-DOH-retained hospital sa Metro Manila sa kabila nang patuloy na pagdami ng naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon.
Ang paglilinaw ay ginawa ng DOH kamakalawa ng gabi matapos ang mga ulat na may ilang DOH-retained hospitals sa National Capital Region (NCR) ang nagsuspinde ng operasyon dahil sa pagdami ng mga bilang ng mga healthcare worker (HCW) nito na dinapuan ng impeksiyon.
Ipinaliwanag ng DOH na may ilan lamang DOH-retained hospitals ang nagsuspinde ng elective surgeries at operasyon ng kanilang outpatient department (OPD) upang masigurong maipagpapatuloy nila ang pinaka-kritikal na serbisyo ng kanilang pagamutan, habang nagpapagaling pa mula sa COVID-19 ang kanilang mga healthcare workers.
Ayon pa sa DOH, may ilang individual hospital infection control units na rin ang nagsimulang magsagawa ng hospital-level investigations upang matukoy ang pinagmumulan ng impeksiyon at mapigilan ang patuloy pang pagkalat nito.
Paniniguro rin ng DOH, ang mga HCWs na tinamaan ng COVID-19 ay pinagkakalooban ng suporta ng mga facilitating hospital o isolation facility admission.
“The DOH, through treatment czar USec. Leoplodo Vega and the One Hospital Command Center, continues to augment hospital resources by downloading funds to the hospitals for hiring of additional personnel, purchase of medicines, and referral of patients to the appropriate facility,” anang DOH.
Dahil naman sa naoobserbahang pagtaas ng naitatalang hospital admission, na dinagdagan pa ng pagdami ng COVID-19 cases sa mga frontliners, muling nanawagan ang DOH sa mga natitira pang HCWs na magpaturok ng kanilang bakuna sa lalong madaling panahon.
Pinayuhan rin nito ang mga indibidwal na nakakaranas ng sintomas ng virus na kaagad na mag-isolate at makipag-ugnayan sa kanilang Barangay Health Emergency Response Teams (BHERTs) para sa health advice at referral sa mga kaukulang pasilidad.
Nananawagan rin ito sa publiko na gamitin muna ang teleconsultations para sa non-urgent medical needs upang maiwasan ang overcrowding sa mga pagamutan at matiyak na ang lahat ng critical patient needs ay natutugunan.
Para sa telemedicine consultations, maaari umanong kumonsulta ang publiko sa DOH Telemedicine partners na CloudPx:https://econsult.cloudmd.com.ph/; HealthNowPH:https://healthnow.ph/; SeeYouDoc:https://www.seeyoudoc.com; TelAventusMD:fb.com/TelAventusMD;MedCheck E-consult:www.medcheck.com.phatTrinityCare: sa pamamagitan ng App Store o Google Play o di kaya ay kumontak sa numerong +63 917 111 1975.