Ang mga dayuhang manlalakbay mula sa China, Pakistan, Jamaica, Luxembourg, at Oman ay ipinagbabawal na pumasok sa Pilipinas simula Miyerkules sa hangad na mapigilan ang pagkalat ng isang mas nakakahawang variant ng coronavirus.
Inihayag ni Presidential spokesman Harry Roque nitong Martes na ang mga paghihigpit sa paglalakbay sa limang mga bansa ay magkakabisa simula Enero 13 ng tanghali hanggang Enero 15 batay sa rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Ang pagsasama ng limang mga bansa, ay iniakyat sa 33 ang kabuuang bilang ng mga bansa na sakop ng travel ban.
“From the Office of the Executive Secretary, kasama na po ang People’s Republic of China, Pakistan, Jamaica, Luxembourg, Oman sa mga bansa na mayroong bagong COVID-19 variant at pinagbabawal ang mga pagpasok ng mga dayuhan galing sa mga bansang ito,” sinabi ni Roque sa televised press briefing.
“The travel restrictions are jointly recommended by the Department of Health and the Department of Foreign Affairs,” dagdag niya.
Sinabi ni Roque na ang mga Pilipino na nagmumula sa mga bansang ito ay maaari pa ring bumalik sa Pilipinas ngunit isasailalim sa quarantine sa loob ng 14 na araw anuman ang mga resulta ng polymerase chain reaction test.
Nauna nang ipinataw ng Pilipinas ang mga paghihigpit sa paglalakbay sa mga dayuhang bisita mula sa 28 mga bansa, kasama na ang United Kingdom kung saan unang nakita ang coronavirus strain noong nakaraang buwan.
Ang mga bansang sakop ng travel restrictions hanggang sa Jan. 15 ay ang mga sumusunod: Austria, Portugal, India, Finland, Norway, Jordan, Brazil, United States, Denmark, Ireland, Japan, Australia, Israel, The Netherlands, Hong Kong, Switzerland, France, Germany, Iceland, Italy, Lebanon, Singapore, Sweden, South Korea, South Africa, Canada, Spain, at United Kingdom.
Exempted sa mga paghihigpit sa paglalakbay ay ang mga pauwing Pilipino, foreign diplomats, at dignitaries basta’t sumailalim sila sa coronavirus testing at quarantine sa loob ng 14 na araw sa kanilang pagdating sa bansa.
-Genalyn Kabiling