Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang mga deboto na nagtungo sa Quiapo Church upang makiisa sa Pista ng Poong Itim na Nazareno na mag-self quarantine upang makatiyak na hindi sila nahawaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ipinaskil na kalatas sa kanilang social media account, sinabi ng DOH na mas makabubuting obserbahan muna ng mga deboto ang kanilang mga sarili kung mayroon silang sintomas ng COVID-19.
Pinayuhan din sila ng DOH na sa sandaling makaramdam ng anumang sintomas ng sakit ay kaagad na makipag-ugnayan sa Barangay Health Emergency Response Team (BHERT) sa kanilang barangay. Sinabi ng ahensya, kabilang sa mga sintomas ng sakit na dapat na bantayan ng mga deboto ay lagnat, ubo, kawalan ng panlasa at pang-amoy, pananakit ng katawan at ulo, pananakit ng lalamunan, baradong ilong, pamumula ng mata, pagtatae at pamamantal ng balat.
Ayon sa DOH, mas makabubuti rin kung iiwasan munang makipag-ugnayan sa mga matatanda at mga vulnerable, limitahan ang galaw at bumukod ng ibang silid.
Nanawagan din ang DOH sa mga residente ng Quiapo na bantayan ang kanilang mga kapitbahay na nagpunta sa Simbahang ng Quiapo laban sa naturang virus.
Mary Ann Santiago