Sa layuning matiyak ang kaligtasan ng libu-libong residente ngayong holiday Season, sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic, ipinag-utos na ni Marikina City Mayor Marcelino Teodoro ang pagba-ban o pagbabawal sa paggamit ng firecrackers at iba pang pyrotechnic devices sa pagsalubong sa Bagong Taon sa lungsod.
Kaugnay nito, hindi na rin matutuloy pa ang taunang community-based fireworks display at concert sa Marikina ngayong taon dahil maaari aniya itong mauwi sa pagkakaroon ng mass gathering, na posibleng magresulta sa pagkakahawahan ng virus.
Matatandaang taun-taong nagsasagawa ang Marikina City ng community-based fireworks display upang maiwasan ang paggamit ng mga paputok at iba pang pyrotechnic devices sa pagsalubong sa Bagong Taon, na minsan ay nauuwi sa pagkasugat at kamatayan.
Aniya, ang kautusan ay bilang pagtalima sa Resolution No. 19 ng Regional Peace and Order Council na nag-a-adopt ng rekomendasyon sa firecrackers ban sa National Capital Region (NCR) ngayong Bagong Taon.
“I have issued an Executive Order prohibiting the use of firecrackers and other pyrotechnic devices in Marikina this New Year. This is to prevent the mass gathering of people and ensure the safety of our constituents,” paliwanag pa ng alkalde. “Our primordial concern is the health and safety of the public, we do not want them to get infected with coronavirus which has already claimed lives.”
“Ngayon, iyong mga community- based fireworks display, dini-disallow rin muna natin kasi it constitutes mass gathering, so iyong health protocols dapat mai-maintain natin para sa ikabubuti ng lahat,” ayon kay Teodoro. “May IATF (Inter Agency Task Force) guidelines for that pero, more importantly, para sa Marikina is the safety of our constituent against COVID-19 aside from the accidents that might happen from the use of unregulated firecrackers.”
Nilinaw nito na ang ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng paputok sa lungsod ay nakatakda na ring ipasa ng Marikina City Council sa susunod na linggo.
Sa sandaling maipasa aniya ito ay iaanunsiyo na rin nila ang mga multa at parusang maaaring kaharapin ng mga taong lalabag sa ordinansa.
Tiwala rin si Teodoro na magiging mas maganda ang pasok ng Taong 2021 para sa lahat at ito ay magiging taon aniya ng paghihilom, rehabilitasyon at pagbangon para sa bansa, partikular na sa Marikina, na dumanas ng maraming pagsubok ngayong lilipas na taon.
-Mary Ann Santiago