LAGUNA – Napatay si Los Baños Mayor Ceasar Perez sa nasabing lalawigan nang barilin ng hindi nakikilalang salarin sa loob ng munisipyo sa Barangay Timugaan sa naturang bayan, nitong Huwebes ng gabi.
Dead on arrival sa HealthServ Medical Center ang biktimang si Perez, 66, taga-Grove, Bgy. Batong Malake sa nabanggit na bayan, dahil sa dalawang tama ng bala sa kaliwang likuran ng ulo nito.
Sa ulat ng pulisya, kagagaling lang ni Perez sa isang municipal spa na nasa Bgy. Baybayin at nagtungo sa municipal hall.
Habang ito ay naglalakad sa receiving area na may open area sa likurang bahagi ng gusali, ay bigla na lamang itong binaril ng dalawang beses, dakong 8:45 ng gabi.
Si Perez ay dating vice-governor ng Laguna, at kasama rin siya sa narco-politicians batay na rin sa listahan na isinapubliko ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Matagal nang itinanggi ni Perez ang alegasyon at sinabing may bahid-pulitika ang usapin.
Matatandaang inambush at napatay ng riding in-tandem ang kapatid ni Perez na si Ruel Perez, 48, sa national road, Bgy. Maahas, Los Baños, noong Mayo 2017.
Nagsasagawa pa ng imbestigasyon ang pulisya sa pagkakapaslang sa alkalde upang matukoy ang nasa likod ng krimen.
Kaugnay nito, iniutos na ni General Debold Sinas, hepe ng Philippine National Police (PNP), sa Calabarzon police regional office (PRO IV-A) na imbestigahan ang kaso.
Bumuo na si Calabarzon Police Regional Director Brig. Gen. Felipe Natividad, ng composite body upang manguna sa pagsisiyasat.
“A task group has been organized to coordinate all investigative efforts by the regional CIDG [Criminal Investigation and Detection Group], Crime Laboratory, Regional Intelligence Division, and Laguna PPO [provincial police office] for the immediate solution of the case,” ang bahagi ng ulat ni Natividad kay Sinas.
-DANNY ESTACIO at MARTIN SADONGDONG