Ipinasara ng mga operatiba ng Inter-Agency Task Force (IATF) on COVID-19 ng Quezon City ang isang KTV bar sa lungsod dahil sa paglabag sa quarantine protocol, kamakailan.
Ayon sa task force, hindi sumunod sa panuntunan ang Music 21 KTV bar na nasa Timog Avenue kaya agad nila itong ikinandado.
Bukod sa pagpapasara, tiniketan din ng mga ito ang 30 na parukyano at manager ng bar.
Idinahilan naman ng pamunuan ng nasabing establisimyento, sumusunod sila sa protocol, katulad ng ipinaiiral na social distancing at pagsusuot ng facemasks kung saan 10 lamang katao ang pinapayagan sa bawat VIP room na ang kapasidad ay 40 katao.
Gayunman, ipinaliwanag ng IATF, sa ilalim ng General Community
Quarantine (GCQ) ay bawal pang mag-operate ang mga KTV bar, lalo na sa lungsod.
-Jun Fabon