Napatay ang isang 21-anyos na babaing pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) matapos umanong makasagupa ng grupo nito ang tropa ng pamahalaan sa Kananga, Leyte kamakailan.
Sa naantalang ulat ng militar, kinilala ni Brig. Gen. Zosimo Oliveros, 802nd Infantry Brigade Commander ng Phillippine Army, ang napaslang na si Rochelle Mae Bacalso, alyas ‘Ruth’ at ‘Justine’, umano’y kaanib ng Sub-Regional Committee Levox, Eastern Visayas Regional Party Committee – ang sinasabing remnants ng grupo ng komunistang may pakana ng Inopacan massacre noong 1980s.
Aniya, nagpapatrulya lamang ang mga sundalo sa Sitio Mat-I, Bgy. Mahawan nang paputukan umano sila ng grupo ni Bacalso, nitong Biyernes, dakong 3:35 ng hapon.
Matapos ang ilang minutong sagupaan, nakita ng militar si Bacalso na sugatan kaya isinugod ito sa ospital gayunman binawian na ito ng buhay.
Nasamsam sa pinangyarihan ng bakbakan ang isang Glock pistol, bandoleer ng M16 magazines, isang magazine ng M16 Armalite rifle na may mga bala, backpack na naglalaman ng personal na gamit, cellular phone, at iba pang dokumento.
-MARTIN A. SADONGDONG