Dapat makontrol at mapiglan ang polusyon na dulot ng mga barko at ang pagtataas ng kaparusahan laban sa mga “polluters” sa karagatan.
Lumikha ang House Committee on Ecology nitong Huwebes ng isang Technical Working Group (TWG) para ayusin ang anim na panukalang batas na naglalayong mapigilan at makontrol ang mga barko na nagbubuga ng polusyon o dumi sa dagat.
Sa isang online meeting na pinangunahan ni Committee Chairperson at Zamboanga del Norte Rep. Glona Labadlabad, hinirang ng komite si Negros Occidental Rep. Francisco Benitez bilang puno ng TWG na gagawa ng draft ng substitute bill sa mga panukala.
Ang mga ito ay ang House Bill (HB) 409 na akda ni Camiguin Rep. Xavier Jesus Romualdo at HB 2268 ni Agusan del Norte Rep. Lawrence ‘Law’ Fortun.
Samantala, ang HB 739 ni Muntinlupa City Rep. Rozzano Rufino Biazon, HB 4204 ni Quezon City Rep. Alfred Vargas at HB 6739 ni Magdalo Party-list Rep. Manuel Cabochan III, ay naglalayong taasan ang parusang ipapataw sa mga polluters ng navigable waters sa pamamagitan ng pag-aamyenda sa Section 7 ng Presidential Decree 979 o Marine Pollution Decree of 1976.
Sa HB 1865 naman ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez, nilalayon ang pagre-regulate sa shipping vessels na naglalayag sa Philippine waters para sa proteksiyon ng mga dalampasigan.
Nais nina Biazon at Cabochan na itaas ang parusa sa mga polluters ng navigable waters sa multang hindi bababa sa P5-million mula sa kasalukuyang P200 hanggang P10,000, o pagkabilanggo ng walong taon at isang araw hanggang 12 taon sa kasalukuang 30 araw, o parehong multa at pagkabilanggo.
Bert de Guzman