Isang Pilipinong domestic helper ang kinilala bilang isa sa “unsung heroes” ng Hong Kong sa 8th Spirit of Hong Kong Awards nitong Huwebes.

Rodelia Pedro Villar

Rodelia Pedro Villar

Si Rodelia Pedro Villar ay naging kauna-unahang Pinay na nakakuha ng Lion Rock People’s Choice Award, isang pagkilala na ibinibigay sa mga indibidwal na gumawa ng kawanggawa sa kani-kanilang mga pamayanan.

Kinilala ang Pinay sa kanyang pagsisikap na magbigay ng sikolohikal at materyal na suporta para sa mga domestic worker ng Hong Kong sa pamamagitan ng kanyang grupong Domestic Workers Corner.

National

Enrile, 'tinakot' OFWs na sasali sa protestang 'Zero Remittance Week'

Nagbibigay din ang grupo ni Villar ng tulong sa mga domestic worker na biktima ng romance scam, pagtatalo sa kontrata at sexual harassment.

“The spirit of Hong Kong is not limited to nationality, Ihold the same notion as all Hong Kong citizens, to help others,” sinabi ni Villar sa South China Morning Post, na co-presenter ng annual award katuwang ang property company na Sino Group.

Sinabi ni Villar, mahigit 17 taon na sa Hong Kong, na ang pagiging nominado para sa taunang parangal ay hindi niya inaasahan.

“It’s an honor to be the first Filipina nominated,” sinabi niya sa SCMP. Ang award ay iprinisinta kay Villar ni SCMP CEO Gary Liu.

Ang 8th Spirit of Hong Kong Awards ay ginanap virtually nitong Nobyembre 26. Ang kaganapan ay dinaluhan din ni Hong Kong Special Administrative Region’s Chief Executive Carrie Lam.

Ang The Spirit of Hong Kong Awards ay isang taunang parangal na sinimulan noong 2013 na naglalayong kilalanin ang mga nakakamanghang tagumpay ng mga ordinaryong mamamayan ng Hong Kong.

-Noreen Jazul