Inatasan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade ang lahat ng opisyal ng departamento na magsumite ng kani-kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN) sa mega task force, na pinamumunuan ng Department of Justice (DOJ).
Paliwanag ni Tugade, ito’y bilang pagpapakita ng buong suporta nila sa kampanya ng pamahalaan laban sa graft and corruption sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Noong Oktubre ay ipinag-utos na ni Pangulong Rodrigo Duterte sa DOJ na pangunahan ang isang mega task force na magsasagawa ng imbestigasyon sa graft and corruption sa lahat ng sangay ng pamahalaan.
Nilinaw ni pangulo, ang awtoridad ng naturang task force na mag-imbestiga ay epektibo hanggang sa pagtatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022.
Sinabi naman ni Tugade na sakop ng kautusan niya na magsumite ng SALN ang mga opisyal, na kinabibilangan ng chief-of-staff, secretaries, executive assistants, at yaong mga sangkot sa project management at procurement.
Ani Tugade, nagtalaga na sila ng isang grupo at point person na mangangalap at magrerebyu ng mga SALN ng lahat ng DOTr officials (past at present), kabilang na rin ang sarili niyang SALN.
Ipinag-utos din umano ng DOTr chief ang paghahambing ng SALN submission ng mga ito, sa loob ng tatlong periods o para sa tatlong taon, upang makita ang pagkakaiba ng mga ito.
-Mary Ann Santiago