Inaresto ng mga awtoridad ang isang dating parak at ang kasamahan nito na umanoy big time drug pushers nang makumpiskahan ng P544, 000 halaga ng pinaghihinalaang shabu sa isang buy bust operation sa Caloocan City, nitong Huwebes ng gabi.
Sa ulat ni P/ Capt. Ramon Aquiatan, hepe ng District Drug Enforcement Unit- Northern Police District (DDEU-NPD), kinilala ang mga nasakote na sina Freddielin Alayon, 37, dating miyembro ng Philippine National Police (PNP) at taga- F3 Shellhouse , Kaunlaran Village ng nasabing lungsod at Rommel Gonzaga, 27, binata, taga-16 Florencia Street, San Farancisco Del Monte, Quezon City.
Ayon kay Capt. Aquiatan, kapwa nasa drug watch list nila ang dalawang naaresto.
Bago ang nasabing operasyon, sunud-sunod na reklamo ang kanilang natanggap mula sa kapit-bahay ng dating pulis kaugnay ng lantarang pagbebenta nito ng iligal na droga sa kanilang lugar.
Naaresto ang dalawa nang bentahan nila ang pulisya ng iligal na droga sa Rizal Avenue, C-3 Road, Bgy. 113, dakong 10:30 ng gabi.
Kinasuhan na ang mga ito ng paglabag sa Section 5 (selling of dangerous drugs), Section 11 (possession of dangerous drugs), Section 26 (conspiracy) sa ilalim ng Article 11 ng Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
-ORLY L. BARCALA