Wala nang lockdown dahil sa COVID-19 pandemic ang Quezon City bunga ng patuloy na pagbaba ng mga nahawaan, base sa ulat kahapon ng Health Department.
Inihayag ito ni Mayor Joy Belmonte makaraang bawiin ng Pamahalaang Lungsod ang special concern lockdown sa lahat ng lugar sa QC.
Aniya, tinapos na rin ang special concern lockdown sa Alley 1 and 2 sa Barangay Bungad nitong Biyernes, na huling isinailalim sa mahigpit na quarantine.
Napag-alaman na ang special concern lockdown ay ipinatupad sa Iba Street Barangay Paang Bundok at tatlong kalye sa Zytec Riosa Compound Barangay Pasong Tamo ngunit binawi ito nitong Linggo.
Nagpaalala si Mayora na hindi ito dahilan para magpabaya at isantabi ang mga health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask, face shield, paghugas ng kamay, at social distancing.
Ayon pa kay QC Epidemiology and Disease Surveillance Unit head Dr. Rolly Cruz, hindi na kailangan ng mas mahigpit na community quarantine sa buong lungsod dahil sa patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases.
Sa kasalukuyan ay umabot sa 94% ang gumaling sa mga kaso sa QC mula noong magkaroon ng community transmission.
-Jun Fabon