Nahaharap ngayon si Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica sa kasong graft at administratibo matapos na ireklamo ng mga empleyado ng duty Free, Philippines sa Office of the Ombudsman.

Sa kanilang reklamo, umaapela sina Alexander Sablan, Ernesto Mangalindan, Romeo Silva Jr., Eric Oracion, Rizalino Santos, Nilo Duarte, Joaquin Vibal, Francis Daco, at Carlito Ardales sa anti-graft agency na panagutin si Belgica sa paglabag sa Section 3(b), (e), (f), at (k) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Grave Misconduct, Conduct Prejudicial to the Service, at Gross Inexcusable Negligence.

Ikinatwiran ng mga kawani ng DFP na “nadismaya sila at nabigo” kay Belgica sa pagkuha ng kanilang kasong “smuggling” laban kay DFPC Chief Operating Officer (COO) Vicente Pelagio Angala.

Paliwanag ng mga ito, napakinggan nila si Belgica sa programa nito sa radyo na “Ireklamo Mo Kay Greco”.

Politics

13 senador, 'backer' na ni Tito Sotto sa pagiging Senate President—Lacson

Dahil dito, nagtungo umano sila sa bahay ni Belgica sa San Miguel Ave., malapit sa Malacañang at humingi ng tulong kaugnay ng ibinabatong anomalya sa DFP.

Ipinakilala umano sa kanila ni Belgica ang amang si Gregor Belgica at kapatid na abogadong si Atty. Jeremia Belgica at tiniyak niya sa kanila na magiging libre ang kanilang serbisyo bilang abogado.

Gayunman, nagbayad umano sila ng P1,000 kada pahina ng kanilang reklamo o kabuuang P130,000 matapos nila itong isampa sa Ombudsman noong Marso 16, 2017, sa tulong na rin ng law firm ng kapatid ni Belgica.

Naging magulo ang lahat nang kontakin umano ni Belgica si Angala at nagtakda sila ng pagpupulong, kasama ang mga ito.

Sa nasabing pagpupulong, pinamirma umano sila ng “waiver” na hindi nila nabasa.

Hanggang sa magsumite si Belgica ng rekomendasyon kay Pangulong Rodrigo Duterte laban sa nasabing mga opisyal ng DFP.

Anila, hindi napabilang sa rekomendasyon ang mga pangalan ng sangkot sa anomaly.

Ibinalik din umano sa kanila ang salaping ginamit nila sa Ombudsman.

“Ginamit niya ang aming kaso para magkaroon ng koneksyon sa mga malalaking negosyante sa Duty Free upang gamitin niya sa kanyang pansariling interest,: sabi pa ng mga ito.

Sa panig ni Belgica, nakahanda aniya siyang harapin ang kaso.

-CZARINA NICOLE ONG KI