Nahaharap ngayon sa kasong kriminal at administratibo ang isang pulis matapos maaktuhang gumagamit ng nakaw na sasakyan sa Barangay Fairview, Quezon City, nitong Biyernes ng umaga.
Nasa kustodiya na ng Anti-Carnapping Unit ng Quezon City Police District ang suspek na si PSMS Danilo Ragonot Pacurib, nakatalaga sa Payatas Police Station at taga-Antipolo St., Bgy. Krus na Ligas sa nasabing lungsod. Sa imbestigasyon ng pulisya, natiyempuhan si Pacurib habang minamaneho ang itim na Hyundai Santa Fe (ABL-1994) sa Commonwealth Ave., Camaro St., dakong 8:00 ng umaga.
Pinara ng mga pulis si Pacurib at nang beripikahin ay natuklasang nakaalarma sa PNP-Highway Patrol Group ang nasabing sasakyan na pinalitan ang plaka.
Ang nasabing sasakyan ay nakarehistro sa Universal LMS Finance Corporation at inupahan lamang mula sa Areza Motor Sales. Si Pacurib ay nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 4136 (Unauthorized Use of Improvised Plate) at Presidential Decree 1612 (Anti-Fencing Law).
-Jun Fabon