Hinimok ni Senador Win Gatchalian ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System at ang iba pang ahensiya ng pamahalaan na isapubliko ang kanilang plano sakaling umabot na rin sa critical level ang Angat Dam, gaya ng La Mesa Dam.
“As early as now we should assure the public that should the water level in Angat Dam reach the critical level because of the El Niño, the government is prepared for that eventuality and we already have contingencies in place to ensure there will be adequate supply of water,” ani Gatchalian.
Inirekomenda na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na magsagawa ng “cloud seeding” sa Angat Dam, na pangunahing pinagkukunan ng tubig ng Metro Manila.
Una nang inihayag ng PAGASA na kung hindi mag-uuulan, posibleng sa huling bahagi ng Abril ay umabot na rin sa critical level ang Angat Dam, na nasa Norzagaray, Bulacan.
Kaugnay nito, sinabi ng PAGASA na walang tyansang dalawin ng bagyo ang bansa ngayong buwan, at titindi pa nga ang init sa bansa sa mga susunod na araw dahil sa mainit na hanging nagmumula sa Pasipiko.
Ngayong Abril, inaasahan ang below average rainfall sa malaking bahagi ng bansa.
Samantala, iginiit ni Gatchalian ang pangmatagalang plano para sa tiyak na supply ng tubig sa Metro Manila.
Aniya, kailangang isumite at ilahad ni MWSS Administrator Reynaldo Velasco ang lahat ng plano nitong koneksiyon ng tubo bago mag-2023 kung saan inaasahang gagana na ang Kaliwa Dam, na makatutulong para sa sapat na supply ng tubig sa kalakhang Maynila.
“What is the strategy of the MWSS for the next five years? We want to face our constituents at masasabi naming sa kanila na puwede silang maging kampante dahil itong mga proyekto ay papasok na,” ayon pa kay Gatchalian.
-Leonel M. Abasola at Ellalyn De Vera-Ruiz