Natodas ang tatlong umano’y kaanib ng New People’s Army (NPA) nang salakayin nila ang isang himpilan ng pulisya habang napatay naman ng militar ang dalawa pang rebelde sa magkahiwalay na sagupaan sa Northern Samar at Compostela Valley, kahapon ng madaling araw.

ATTACK

Sa unang engkuwentro, naiulat ng Victoria Municipal Police Station na dead on the spot ang tatlong hindi pa nakikilalang rebelde dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Isinugod naman sa ospital sina Police Senior Master Sergeant (PSMS) Arturo Gordo, Jr., dahil sa sugat sa ilong at mata, at Police MS Arnold Cabacang, na nasugatan naman sa mukha.

Eleksyon

VP Sara, nag-eendorso raw para sa impeachment trial—solons

Sa ulat, aabot sa 50 armadong rebeldeng naka-military fatigue  ang dumating sa nasabing himpilan ng pulisya, sakay ng isang truck, dakong 3:30 ng madaling araw.

Paliwanag ni Victoria Police commander, Lt. Eladio Alo, pumuwesto sa bubungan ang 15 na pulis nito at nagawang maipagtanggol ng kanilang presinto matapos ang tatlong oras na sagupaan na ikinasawi ng tatlong rebelde.

Inihayag naman ni Police Regional Office 8 (PRO8) director, Brig. Gen. Dionardo Carlos, ang mga nasabing rebelde ay kaanib ng

Section Committee 2 (SECCOM 2), Sub-Regional Committee Emporium ng Eastern Visayas Regional Party Committee na pinamumunuan ni Ranie Cabides, alyas “Nadie”.

Naaresto rin ng mga awtoridad ang 18-anyos na si Aljun Tamuyang Cardenas, taga-Bgy. Dawo, Calbayog City, na umano’y kaanib ng kilusan.

Tumakas ang mga rebelde at inabandona ang ginamit na truck.

Nasamsam sa lugar ang mga armalite rifle na M60, M16 at isa pang M14.

Nasawi rin ang dalawang umano’y rebelde nang makasagupa nila ang tropa ng pamahalaan sa Mabini, Compostela Valley.

Sa natanggap na report ni 71st Infantry Battalion (IB) Civil Military Operations officer, 1st Lt. Jhocell Asis, wala pang makuhang pagkakakilanlan ang dalawang nasawing rebelde.

Napatay ang dalawa nang makaengkuwentro ng grupo nila ang mga tauhan ng nabanggit na military unit sa Sitio Mangurayan, Barangay Anitapan, kahapon ng madaling araw.

Isa namang sundalo ang naiulat na nasugatan sa naturang 10 minutong engkuwentro.

Hindi na muna binanggit ng militar ang pagkakakilanlan ng nasugatang sundalo.

Narekober sa encounter site ang tatlong improvised shotgun, isang Improvised Explosive Device (IED), 50 metrong detonating cord at iba pang materyales sa pagpapasabog.

-Marie Tonette Marticio at Mike U. Crismundo