Arestado ang magkapatid at isa pang lalaki habang tinutugis ang tatlo nilang kaibigan nang umano’y pilahan ang isang 16-anyos na babae sa Tondo, Maynila, nitong Martes.
Hawak ng Manila Police District (MPD)-Raxabago Police Station 1 (PS-1) at kakasuhan ng Rape in relation to Republic Act 7610 sina Prince Jomari Diwa, 20; kapatid niyang si Paul Cedrick Diwa, 18; at Angelito Gonzalez, 25, pawang ng Melcalde Street, Tondo. Pinaghahanap naman sina alyas Tado, Gerald, at Elmer.
Inaresto ang mga suspek matapos na ireklamo ng biktima, na kanilang kaibigan at kapitbahay, dahil sa umano’y panggagahasa sa loob ng bahay ng mga Diwa, dakong 2:45 ng madaling araw.
Sa salaysay ng biktima kay PO1 Genesis Soliven, may hawak ng kaso, inimbitahan siya ni Paul Cedrick na mag-inuman sa bahay nito, na pinaunlakan nito.
Pagdating sa bahay, nadatnan umano nila ang lima pang suspek na nag-iinuman.
Tinagayan ng mga suspek ang biktima, ngunit makalipas ang ilang sandali ay nakaramdam umano ang dalaga ng pagkahilo hanggang sa tuluyang mawalan ng malay.
Nang bahagyang magkamalay ang biktima, nakita umano niyang pinagsasamantalahan siya ni Gonzalez, habang pinanonood ni Prince Jomari.
Tinangka umanong pumiglas ng biktima, ngunit dahil nanghihina ay wala na itong nagawa.
Nang tuluyan nang magkamalay, umuwi ang biktima at agad na nagsumbong sa kanyang magulang at nagtungo sa pulisya upang magreklamo.
Sa follow-up operation, naaresto ng mga pulis ang magkapatid na Diwa at si Gonzales, ngunit pinabulaanan ng mga ito na ginahasa nila ang dalaga.
Kalaunan ay inamin ni Gonzales na ginalaw niya ang biktima, ngunit sinabing hindi siya ang nauna kundi si Tado.
Bukod dito, may dalawa pa umanong lalaki na pumasok sa silid na kinaroroonan ng dalaga.
Nag-alok pa umano si Gonzales na pakakasalan na lamang ang biktima, ngunit desidido ang biktima at pamilya nito na magsampa ng kaso.
"Gusto ko po makulong sila ma’am. Kasi nag-iisang anak ko lang 'yan na babae. Bata pa yan, disisais lang. Naawa rin po ako sa ginawa nila sa anak ko. Iika-ika, hindi makalakad," pahayag ng ina ng biktima.
Naniniwala ang mga pulis na may inihalong pampatulog sa inumin ng dalagita upang mawalan ito ng malay.
"Sa inisyal naming pag-iimbestiga ay nakikita namin na may pinainom sa batang ito sapagkat noong amin siyang in-interrogate kanina ay nagsabi siyang ang tagay niya lamang ay ganoon.. kakaunti lang…parang shot-shot lang. Bigla na lang siyang na-blackout, nawalan ng malay matapos na maka-shot ng apat," ayon kay Police Supt. Rey
Magdaluyo, hepe ng MPD-PS-1.
-Mary Ann Santiago