Masaya sa buhay ang siyam sa bawat sampung Pilipino, ayon sa survey ng Social Weather Stations.
Gayunman, mas kakaunti ito kung ikukumpara sa nakaraang taon.
Sa nationwide survey noong Disyembre 16-19, 2018 sa 1,440 respondents, lumalabas na 87 porsiyento ang nagsabing masaya sila sa buhay, at 39% ang “very happy”, habang 48% ang “fairly happy”.
Nasa 13% naman ang nagsabing hindi sila masaya sa buhay.
Tanong sa respondents: “If you were to consider your life in general these days, how happy or unhappy would you say you are on the whole?”
Ayon sa SWS, ang resulta ng huling survey ay 7% na mas mababa kumpara sa 94% na naitala noong Disyembre 2017, at pinakamababa sa nakalipas na apat na taon.
Pinakamataas ang naitala sa Mindanao, nasa 89% pero mas mababa sa 96% noong Disyembre 2017; at sa Visayas, 89% mula sa 94%.
Sinusundan ito ng natitirang bahagi ng Luzon, 86% mula sa dating 95%; at Metro Manila, nasa 82% sa dating 90%.
Bumaba rin ang kasiyahan sa lahat ng socio-economic class kumpara sa sinundan na taon.
Pinakamataas ito sa upper-to-middle class o ABC sa 91%, kasunod ng Class D o masa sa 88%, at ang poorest class sa 79%.
Samantala, 82% naman sa sinarbey noong Disyembre 2018 ang nagsabi na kuntento sila sa kanilang buhay, mas mababa sa 92% noong Disyembre 2017, at pinakamababa sa nakalipas sa apat na taon.
Pinakamarami sa mga kuntento ay nasa Visayas, 83%; kasunod ang Metro Manila sa 81%; at Mindanao, 80%.
-Ellalyn De Vera-Ruiz