HINILING ng pamahalaan ng Pilipinas sa Belgium at iba pang bansa sa European Union (EU) na itigil na ang pagpopondo sa ilang samahan sa Pilipinas na napupunta sa Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA).

Nakipagkita ang delegasyon ng Pilipinas sa mga opisyal ng EU at European Parliament at European Commission at hiniling na “stop the flow of funds to identified Communist terrorist front organizations.”

Ayon kay Brig. Gen. Antonio Parlade, Jr., Armed Forces deputy chief of staff for civil-military operations, kalalabas lamang ng pamahalaan ng Belgian ng 621,000 euros, o nasa P36.6 milyon, sa kabuuang 15 million-euro para sa isang non-government organizations (NGOs) na nagkakaloob ng mga programa para sa mahihirap. Gayunman, sinabi ng delegasyon ng Pilipinas na ang ilan sa mga NGOs na ito ay samahan ng mga komunista.

Ayon kay Alex Paul Monteagudo, director-general ng National Intelligence Coordinating Agency, kayang ilipat ng front organizations ang 60 porsiyento ng handog na pondo sa Communist Party, na ginagamit nito sa pagsuporta sa mga aktibidad gaya ng rally at pagbili ng mga armas.

National

3 suspek sa pagkidnap at pagpaslang kay Anson Que, driver nasakote na!

Ipinangako ni Gilles de Kerchove, coordinator ng EU Counter-Terrorism, na sisilipin ang naturang impormasyon. Nangako si Gunnar Weigand, managing director ng European External Action Service, ang pagsasagawa ng sariling financial audit ngayong buwan.

Kasabay ng paglabas ng report nitong linggo, sinabi ng Department of Interior and Local Government (DILG) na ilang kandidato sa midterm election sa Mayo ay nagbayad ng P200 milyon para sa “permits to campaign” at “permits to win.”

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mayroon nang 349 na pulitiko sa DILG “watch list” na pinagkalooban ng “protection money” – kabilang ang 11 gobernador, limang bise gobernador, 10 provincial board members, 55 alkalde, 21 bise alkalde, 41 councilors, 126 na kapitan ng barangay, 50 barangay councilors, at walong iba pang barangay officials.

Inamin ni Secetary Año na walang matibay na impormasyon upang kasuhan ang mga naturang opisyal. Maaaring nakikita ng mga opisyal na ito na kailangan nilang bayaran ang naturang halaga hanggang sa magtagumpay ang pamahalaan laban sa NPA.

Ang dalawang ulat na ito – mula sa Brussels, Belgium, at sa DILG – ay nagpapakita ng isang anggulo ng problema sa CPP-NPA, kung paano nito nasusuportahan ang operasyon gamit ang pndo mula sa iba’t ibang samahan. Ito ay maaaring makatulong upang maipaliwanag kung paano nila nagagawang mabuhay makalipas ang ilang taon na ang ibang grupo ng komunista ay nabuwag na.

Sa simula ng kanyang administrasyon, nagpahayag si Pangulong Duterte ng hangarin na makipag-ugnayan sa CPP-NPA leaders upang tuldukan ang kanilang rebelyon, makipag-usap at makipagkasundo sa ilang social, economic, at political reform measures. Naantala ang usapang pangkapayapaan, ngunit nananatili ang pag-asa na magpapatuloy ito ay magkakasundo, at matatapos ang ilang dekadang rebelyon.