Patay ang isang pulis na negosyante matapos pagbabarilin ng mga hindi nakikilalang lalaki habang ito ay nag-eehersisyo sa balkonahe ng kanyang opisina sa Talisay City, Cebu, nitong Miyerkules ng tanghali.

Sa imbestigasyon ng Talisay City Police Station (TCPS), nag-e-exercise lamang sa beranda ang biktimang si Chief Master Sergeant Mike Espina sa Barangay Dumlog, nang bigla itong paulanan ng bala ng mga hindi nakikilalang lalaki.

Dead on the spot si Espina dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad na tumakas ang mga suspek matapos matiyak na patay na ang biktima.

Probinsya

9-anyos na bata, patay matapos makuryente ng tinatayang 20 minuto

Sa police report, wala umanong narinig na putok ng baril ang mga empleyado ni Espina, kaya’t hinala ng mga awtoridad ay gumamit ng silencer na baril ang mga suspek.

Si Espina, nakatalaga sa Masbate Provincial Police Office ay dalawang araw nang naka-leave of absence nang maganap ang krimen, ayon sa imbestigador.

Patuloy pa ang isinagawang pagsisiyasat ng mga awtoridad upang madetermina kung may kinalaman sa trabaho nito o negosyo ang pamamaslang.

-Fer Taboy