'Tila walang halaga ng taas suweldo ang makapagpapakuntento sa ilang anti-narcotics police dahil isa na naman sa mga ito ang inaresto dahil sa pangongotong sa isang hinihinalang drug pusher na kanilang inaresto sa Marikina City.
Sa katunayan, tinangka pa ng suspek na si Police Corporal Marlo Quibete at ng ilan niyang kasamahan sa Eastern Police District Drug Enforcement Unit na i-double-cross ang kanilang commanding officer na lumalabas na may alam sa pangongotong at nais na may makuha sa kotong.
Ayon kay Police Major General Guillermo Eleazar, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang operasyon na nagresulta ng pag-aresto kay Quibete ay nag-ugat sa reklamo ng live-in partner ni Aries Ochoada, na unang inaresto sa drug-bust sa Marikina City, nitong Lunes.
Kasunod ng pag-aresto, sinabi ni Eleazar na humingi ang grupo ni Quibete ng P60,000 sa biktima kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.
"These erring policemen even forced the victims to sign a deed of sale for the motorcycle owned by the drug suspect they arrested," sabi ni Eleazar.
Hindi pa nakuntento, sinabi niya na humingi pa uli ang grupo ni Quibete ng P20,000 bilang final payment sa pagpapalaya kay Ochoada.
Ayon kay Eleazar, nalaman niya ang extortion racket ng mga pulis nang magpasaklolo sa kanya ang live-in partner ni Ochoada na may grupo ng mga pulis na nanghihingi sa kanila ng pera.
"I immediately ordered my Regional Special Operations Unit to work in this case and this resulted to his arrest," pahayag ni Eleazar.
Naaresto si Quibete sa entrapment operation sa Barangay Santolan sa Pasig City nitong Martes, dakong 10:30 ng gabi.
FURIOUS
Kinumpronta ni Eleazar si Quibete, at sinabing isa ang huli sa mga dahilan kung bakit nadudungisan ang imahe ng mga pulis lalo na sa isyu ng war on drugs.
"There are indeed erring policemen who have been using the war on drugs to earn money. But there are just a few and the good thing here is we were able to arrest them," sambit ni Eleazar.
Mismong si Eleazar ang nagkulong kay Quibete sa Marikina City police.
TEXT MESSAGES
Nang silipin ng mga imbestigador ang cell phone ni Quibete, nasorpresa sila nang malaman na hindi lamang ito ang may nangongotong at lumalabas na alam ito ng kanyang immediate supervisor.
"Anong balita Marlo? Nakuha mo na 'yung kulang sa babae? Tawag ka," nakasaad sa text message na mula kay Police Major Allan Miparanum, na lumalabas na nakikibalita sa kulang na P20,000.
Napag-alaman na unang humingi ang mga pulis ng P200,000 ngunit ito ay bumaba sa 80,000 at motorsiklo.
Sa text message, inutusan pa ni Miparanum si Quibete na huwag makipagnegosasyon sa mga biktima, na sinagot ng huli na hindi niya ito gagawin.
Sa pakikipagpalitan ng mensahe ni Quibete sa isang Escorial, nadiskubre na inuutusan umano ni Miparanum ang kanyang mga tauhan kung paano kukunin ang pera.
Sa mensahe, nagpasama si Quibete kay Escorial na samahan siya sa pagkuha ng pera ngunit sumagot ang huli na ang utos sa kanya ng CO (Commanding Officer na lumalabas na si Miparanum) ay huwag itong kunin.
Nagbiro pa si Escorial na si Quibete ay maaaring marami nang nakuha sa kinakasama ni Ochoadas, na si Eva Cabansag. Nagreklamo si Quibete na hindi sinasagot ni Escorial ang kanyang cell phone.
DOUBLE-CROSS
Sa isa pang text message, nadiskubre ang pagtatangka ni Quibete at PO3 (Police Staff Sergeant) Nirvar na lokohin si Miparanum hinggil sa kuwintas na nakuha kay Cabansag.
"Buddy, ung kwintas nyan ah. Hati tau ah sanla n nten bukas yan selyohan u yn n walan sya kwintas," saad sa text message mula kay PO3 Nirvar.
“Buddy, panalong panalo ka. Picture na lang jan 30K un kwintas nakausap ko un babae. Di ko nga cnabe kay Sir,” dagdag niya.
Sa isa pang text message sa pagitan nina Quibete at PO3 (Police Staff Sergeant) Roque, nadiskubre ang pagtatangka na itago ang ilang kotong mula sa kanya.
Lumalabas na nanghihingi ng picture si Roque ng babae (si Cabansag) na sinamahan pauwi matapos ang umano’y abutan.
"Boss nega, hindi tumupad usapan ung babae," sabi ni Quibete sa text message.
"Kaw pa. wag ako iba na lang hehehe," sagot ni Roque.
RELIEVED
Dahil dito, agad na sinibak ni Eleazar ang lahat ng 15 personnel ng Eastern Police District Drug Enforcement unit, na pinamumunuan ni Miparanum.
Bukod kay Miparanum, sinibak sina Police Senior Master Sergeants (SPO2) Alex Recio; Police Master Sergeant (SPO1) Ryan Escorial; Police Staff Sergeants (PO3) Arnel Parado, Rommel Moises, Dennis Singuillo, Frederick Nervar, Jr; Police Corporals (PO2) Marlo Quibete, Arnel Parado; Patrolman Reynold Orillo, Charles Anthony Quinto, John Patrick de Guzman, Arlon Hernandez; Patrolwoman Maricris Doong at Marissa April Piga.
"They are all relieved effective today (Wednesday)," ani Eleazar.
"Maybe they already knew that Quibete was arrested and they are now afraid to come out," aniya.
Makalipas ang ilang oras, ipinag-utos ni PNP Police General Oscar Albayalde ang pagsibak din sa pinuno ng Eastern Police District na si Police Brig. Gen. Bernabe Balba kaugnay ng kinasangkutan ng kanyang tauhan.
-AARON RECUENCO