Arestado ang isang lalaki matapos umanong sipulan ang isang babae sa Novaliches, Quezon City, iniulat ngayong Martes.
Kinilala ang suspek na si Jay Ar Cabesas, 20 anyos.
Sa imbestigasyon, sinipulan ni Cabesas ang babaeng nakikipaglaro sa mga aso sa Santa Monica sa Novaliches, Quezon City, nitong Biyernes.
Dahil sa paglabag sa Anti-Catcalling Ordinance ng Quezon City, dumulog sa pulisya ang biktima at ipinaaresto ang suspek.
Samantala, itinanggi ng suspek ang paratang sa kanya.
Pansamantalang pinalaya ang suspek habang nagsasagwa ng preliminary investigation.
Layunin ng Anti-Catcalling Ordinance na protektahan ang kababaihan sa mga pambabastos, lalo na sa mga pampublikong lugar. Kasama ang pagmumura, paninipol, pag-stalk, paghingi ng number, pagpilit na makipag-date, at nakakabastos na hand gestures.
Sakaling maging biktima ng pambabastos, maaaring tumawag sa Quezon City Hotline 436-7211.
-Fer Taboy