Mahigit 400 pamilya ang nasunugan at apat na tao ang nasugatan sa sunog sa Barangay San Antonio, Quezon City, ngayong Martes ng umaga.
Kinilala ang mga sugatan na sina Alex Sarmiento, 45; at Dionisia Rabago, 51; Roy Sarmiento, 49; at Jay Beltera, 38, na pawang nagtamo ng first degree burns.
Sa inisyal na ulat ni Quezon City Fire Marshal Senior Supt. Jaime B. Ramirez, nagsimulang sumiklab ang apoy sa bahay ng pamilya Sarmiento sa West Riverside, Bgy. San Antonio, ganap na 10:15 nang umaga.
Nagliyab ang kusina ng bahay ni Alex, at kumalat ang apoy sa 180 bahay at itinaas sa Task Force Bravo, pagsapit ng 12:50 ng tanghali.
Patuloy na inaapula ang sunog gamit ang 25 fire trucks ng BFP at 10 fire trucks mula sa volunteer fire brigade ng Metro Manila.
Iniimbestigahan ang sanhi at kabuuang halaga ng natupok.
-Jun Fabon at Alex San Juan