Nagtapyas ng presyo ang diesel at kerosene, pero nagmahal na naman ang gasolina.
Pinangunahan ng Shell ang dagdag-bawas sa presyo ng petrolyo, na magiging epektibo dakong 6:00 ng umaga bukas, Marso 5.
Sa pahayag ng Shell, nagtaas ito ng 10 sentimos sa kada litro ng gasolina, kasabay ng 35 sentimos na bawas-presyo sa kerosene, at 10 sentimos sa diesel.
Kaagad namang sumunod ang Petro Gazz, Total, at Eastern Petroleum sa pagpapatupad ng kaparehong dagdag-bawas sa presyo ng produktong petrolyo bukas.
Asahan na rin ang pagsunod ng iba pang kumpanya ng langis sa bawas-presyo, na bunsod ng paggalaw ng presyuhan ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Samantala, sa datos ng Department of Energy (DOE), naglalaro na ngayon ang bentahan ng gasolina sa P45.14 hanggang P60.79 kada litro, P41.50-P50.33 sa diesel, at P45.25-P53.93 sa kerosene.
Pebrero 26 nang huling nagtaas ng P1.45 sa gasolina at diesel, habang P1.35 naman sa kerosene.
-Bella Gamotea