Dinakma ngayong Biyernes ng mga tauhan ng Anti-Scalawag Unit ng Philippine National Police ang hepe sa presinto ng Maritime Police sa Cavite dahil umano sa pangongotong nito sa isang grupo ng mga mangingisda sa Tanza.

KOTONG

Kinilala ni PNP-Counter Intelligence Task Force (CITF) chief, Senior Supt.  Romeo Caramat, ang nadakip na si Supt. Armandy Dimabuyo, hepe ng 402nd Cavite Maritime Police.

Arestado si Dimabuyo sa entrapment, matapos na tanggapin umano sa mga mangingisda ang P18,000 grease money sa loob ng opisina nito, dakong 7:00 ng umaga ngayong Biyernes.

Eleksyon

VP Sara, nag-eendorso raw para sa impeachment trial—solons

Kaagad namang sinibak ni Chief Supt. Rodelio Jocson, director ng PNP-Maritime Group (MG), ang lahat ng tauhan ng Cavite Maritime Police, at pinalitan ng mga operatiba ng MG Special Operations Unit.

Paglilinaw ni Caramat, umaksiyon lang sila sa mga reklamo ng isang samahan ng mga mangingisda sa lugar kaugnay ng pangingikil umano sa kanila ni Dimabuyo.

Sa reklamo, binanggit ng mga mangingisda na humihingi umano si Dimabuyo sa kanilang asosasyon ng P19,000-21,000 kada buwan upang payagan silang makapangisda sa lugar.

Ayon sa mga complainant, napupunta lang umano kay Dimabuyo ang maliit na kita nila sa pangingisda, kaya nagpasya na silang isumbong sa mga awtoridad ang ilegal na gawain ng hepe.

Si Dimabuyo ay nasa kustodiya na ng PNP-CITF headquarters sa Camp Crame, Quezon City at nahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal.

-Martin A. Sadongdong