Patay ang limang tauhan ng Philex Mining Corporation nang ma-trap ang mga ito sa nirespondehan nilang halos limang oras na sunog sa kagubatan ng Sitio Salangan sa boundary ng Itogon at Tuba sa Benguet, nitong Miyerkules ng hapon.
Sa paunang ulat ng Bureau of Fire Protection-Cordillera Administrative Region (BFP-CAR), ang apat sa limang nasawi ay pawang forestry personnel ng kumpanya na nakilalang sina Dante Molina, Noel Degyem, Marlon Guiniguin at Dexter Labasa habang ang ikalima ay residente na si Leon Mocate.
Sa report, ang sunog ay nangyari sa bahagi ng kagubatang pag-aari ng kumpanya sa Sitio Salangan, Bgy. Ampucao, kamakalawa, dakong 1:30 ng hapon.
Naabo rin sa sunod ang Forestry Department ng naturang mining company.
Sa pagtaya ng arson investigator, aabot sa anim na ektarya ang naapektuhan sa insidente.
Dakong 6:00 na ng gabi nang maapula ang sunog.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon upang madetermina ang sanhi ng sunog at halaga ng naabo.
-RIZALDY COMANDA at FER TABOY