Bagamat hindi pa humuhupa ang batikos na natatanggap niya kaugnay ng mga kontrobersiyal niyang pahayag tungkol sa Diyos, inamin ni Pangulong Rodrigo Duterte na awtomatikong tinalikuran na niya ang pagiging Katoliko matapos siyang abusuhin ng isang pari noong high school pa siya.
Aniya, pagkatapos ng “terrible” na insidente sa paaralan ay gumawa na siya ng sarili niyang Diyos, na nagpapahalaga sa hustisya at pagiging makatuwiran.
“Something terrible happened when we were young. It’s not really that serious. But fondling while confessing, we were being fondled so when I graduated, hindi na ako Katoliko. Hindi na ako Katoliko at that age. I was not even in politics then,” inamin ng Pangulo nang dumalo siya sa inagurasyon ng Malayan Colleges Mindanao sa Davao City.
“But pag-graduate ko, I created my own God. ‘Yung nakikita kong values na justice—what is justice, fairness—I have always said in Davao, ‘My God is my service to the people.’ Period,” dagdag niya.
Una nang ibinunyag ng Pangulo na minolestiya siya ng yumaong si Fr. Mark Falvey, kasama ng iba pang estudyante sa high school, habang nag-aaral siya sa Ateneo de Davao University.
Sa kanyang talumpati nitong Sabado, nilinaw ng Pangulo na siya ay may “deep and abiding faith in God” sa kabila ng mga birada niya laban sa mga turo ng Simbahang Katoliko.
Aniya, ang konsepto niya ng Diyos ay ibinatay niya, hindi lamang sa mga pinaninindigan niya sa buhay, kundi maging sa “lessons I learned in life, the hard ways” at sa “capacity to seek someone who has --- somewhere a universal mind.”
Nitong Biyernes, hinamon niya pa ang sinuman na magpatunay na may Diyos sa pamamagitan ng selfie, at pagkatapos ay magbibitiw na siya sa tungkulin.
“If there is somebody of the so many billions, maybe if he can go there in heaven, talk to God, and magpa-selfie sila, at bumalik siya dito, at sabihin ng pari ‘There is God,’ I will step down tomorrow. No question,” aniya.
Samantala, hindi naman matutuloy ang pagpupulong sana ngayong Lunes nina Pangulong Duterte at Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) President Davao Archbishop Romulo Valles, dahil na rin sa isinasagawang Plenary Assembly ng mga obispo.
“Probably not on Monday, it is still plenary sessions,” ayon sa pahayag kahapon ng isang source sa CBCP.
Sinimulan ng CBCP ang kanilang Plenary Assembly nitong Hulyo 7 at magtatapos ngayong araw, kung saan tatalakayin ng mga obispo ang iba’t ibang usapin sa bansa.
-GENALYN D. KABILING, ulat ni Leslie Ann G. Aquino