Natukoy ng Office of the Ombudsman ang probable cause para asuntuhin sa Sandiganbayan si dating Paombong, Bulacan Mayor Isagani Castro, at 10 dati at kasalukuyang opisyal ng munisipalidad kaugnay ng pag-apruba sa operasyon ng open dumpsite sa kabila ng closure order dito.
Kinasuhan ng paglabag sa Section 48(9) na may kaugnayan sa Sections 37 at 49(d) ng RA 9003 o Ecological Solid Waste Management Act si Castro, gayundin si dating Vice Mayor Marisa Ramos.
Kabilang din sa mga kinasuhan sina dating Councilors Myrna Valencia, Luisito Arellano, Francisco Valencia, Maximo Tanghal, at Reynaldo Sulit; incumbent Councilors Arnaldo Mendoza, James Jester Santos, at Zoilo Estrella; at Municipal Environment at Natural Resources Officer (MENRO) Marciana Tanghal.
Batay sa imbestigasyon ng Ombudsman, nagpapatuloy ang operasyon ng dumpsite sa Barangay San Isidro II sa kabila ng cease and desist order na inilabas ng Department of Environment and Natural Resources Regional Office (DENRRO) noong 2011.
“It was still operating after four years when Environmental Management Bureau Region III personnel inspected the dumpsite on July 3, 2015,” ayon sa Ombudsman.
-Jun Fabon