Dapat tanggapin ng mamamayan ang katotohanang malalim ang hidwaan ni Pangulong Duterte at ng Simbahan, ayon sa Malacañang.

“Kaniya-kaniyang paninindigan iyan, at tanggapin natin na hindi natin maiaalis – ang pananampalataya ay hindi pupuwedeng kuwestiyunin kahit na sino,” sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque.

Aniya, nasabi na ng Pangulo ang gusto nitong sabihin at walang makakapigil dito sa pagpapahayag ng saloobin laban sa doktrina ng Simbahan.

Hindi rin umano nakikita ni Roque na hihingi ng tawad si Duterte sa Simbahan.

National

Meralco, tapyas-singil sa kuryente ngayong Mayo

“I don’t think anyone can demand anything from anyone – not because he is President. Pero ang sabi nga niya, ‘Sumagot kayo kung gusto ninyong sumagot, ganiyan po ang anyo ng malayang pananalita,” sambit niya.

“Paulit-ulit sinasabi ng Presidente iyan: ‘Murahin ninyo ako nang murahin, basta kayo ay Pilipino tatanggapin ko iyan, dahil ako ay pinapasuweldo ng sambayanang,” patuloy ni Roque. “Lahat na ng puwedeng ibato, binato na nila at tinatanggap niya iyan in stride. At tinatanggap niya iyan na bilang paninindigan niya na importante iyong kalayaan ng malayang pananalita.”

Dagdag pa ni Roque, mas mabuti kung hanapan na lang ng paraan para magkaroon ng working relationship ang Simbahan at ang administrasyon kung hindi nagkakasundo.

Iginiit ni Roque na kung tutuusin, walang dapat pag-awayan ang Simbahan at ang Pangulo dahil magkatugma ang posisyon ng mga ito sa ilang kontrobersiyal na isyu.

Inulan ng batikos ang Pangulo mula sa mga mananampalataya matapos niyang tawaging “stupid” ang Diyos.

Ayon kay Duterte, hindi niya maintidihan kung bakit pinayagan ng Diyos na malulong sa kasalanan sina Eba at Adan na dahilan kung bakit sila pinatalsik sa Paraiso.

Kaugnay nito, ipinaliwanag ni Duterte na ang sinabi niyang “stupid God” ay nakadirekta sa kanyang mga kritiko sa Simbahan.

Umaasa si Roque na magiging “frank, open and candid” ang pinaplanong diyalogo ng Palasyo sa mga opisyales ng Simbahan.

Bumuo ang Pangulo ng isang three-man panel na makikipag-usap sa Simbahan.

-BETH CAMIA at GENALYN D. KABILING