Anim na barangay kagawad ng Maynila, na matagal nang pinaghahanap ng batas, at apat pang wanted sa iba’t ibang kaso ang dinakma ng pulisya sa magkakahiwalay na operasyon sa Maynila, nitong Huwebes ng umaga.
Ayon kay Manila Police District (MPD) director, Chief Supt. Rolando Anduyan, kabilang sa mga inaresto ay sina Teresita Reyes, 69, kagawad; Emelinda Cuevas, 72, dating kagawad; Ferdinand Mojica, 47, kagawad; Rogelio Capiral, 57, dating kagawad; Rodoldo Flores, 53, kagawad; at Rowena Garcia, 50, pawang taga-Antipolo Street, sa Sampaloc.
Naging matagumpay ang pag-aresto sa mga suspek sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Judge Marlo Magdoza-Malagar, ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 19, para sa kasong paglabag sa Article 3(e) ng Republic Act 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), bandang 7:10 ng umaga.
Dinampot naman ng mga elemento ng Criminal Investigation and Detention Unit (CIDU) si Josephine Godinez, 48, tubong Liguac, Salug, Zamboanga Del Sur, taga-Bautista Compound,
Purok 8, Alabang, Muntinlupa City sa kasong estafa, sa ganap na 10:55 ng umaga.
Si Rolando Palasigue, 34, ng 1445 Mindoro St., Paco, ay dinampot naman ng CIDU sa Pedro Gil St., Paco, sa pamamagitan ng warrant of arrest na inilabas ni Manila RTC Branch 9 Judge Jacqueline Martin-Balictar, para sa kasong panggagahasa.
Hindi rin nakaligtas sa CIDU si Gilbert Pineda, 37, ng 1248 E. Quintos St., Sampaloc, nang arestuhin siya sa kanyang bahay dahil sa kasong Anti-Graft and Corrupt Practices Act, bandang 3:38 ng hapon.
Nagulat naman si Romulo Balen, 48, welder, nang arestuhin ng mga pulis-Pandacan (Station 10) sa kanyang bahay sa 2584 F. Balagtas St., Pandacan, para sa kasong robbery.
-MARY ANN SANTIAGO