Ni Orly L. Barcala
Sugatan ang isang ex-convict at ang dalawa nitong kaibigan nang hatawin ng maso at saksakin ng pamangkin at anak ng nobya ng una sa Valenzuela City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni SPO3 Ray Bragado, ng Station Investigation Unit (SIU), ang mga biktimang sina Alvin Lozano, 38, ng No. 1839 C. Felix Huerta, Barangay Karuhatan; Jean Fe Mahigugma, 34, welder; at John Eller Abao, 31, construction worker, kapwa stay-in worker sa NLEX Construction site na matatagpuan sa Vinegar Street, Bgy. Karuhatan.
Sarado ang kaliwang mata ni Lozano, may saksak ng ice pick sa kaliwang balikat at may sugat sa ulo dahil sa palo ng maso, habang si Mahigugma ay may sugat sa ulo dahil sa tama ng bato, samantalang si Abao ay may mga pasa at sugat sa batok.
Sa follow-up operation nina SPO3 Doddie Aguirre, PO3 Chad De Leon, PO2 John Baguas at PO1 Daruius Orale, nahuli ang isa sa mga suspek na si Jerome Balaya, 23, ng Family Compound, Bgy. Karuhatan at nakatakas ang magpinsang sina Ronald Manzano, 23; at Christian Caritay, 21.
Ayon kay SPO3 Bragado, nag-iinuman sina Abao at Mahigugma sa pinapasukang construction site nang mapadaan si Lozano na umupo at nakipagtagayan na rin sa mga kaibigan, dakong 2:45 ng madaling araw.
Makalipas ang ilang sandali, dumating ang mga suspek at galit na kinumpronta ni Manzano si Lozano dahil pineperahan lang daw nito ang ina niyang si Marilyn na isang taon nang nobya ng biktima.
Dahil dito, biglang nagkagulo at pinalo ng maso ni Caritay si Lozano, habang si Manzano ay sinaksak ng ice pick.
Aawat sana sina Abao at Mahigugma sa kaibigan, ngunit maging sila ay ginulpi at nagsitakas.
Kwento pa ni SPO3 Bragado, nagsimula ang love story nina Marilyn at Lozano sa loob ng Valenzuela City Jail, kung saan nakulong si Lozano sa kasong frustrated homicide.
Kalalaya lamang nito noong Hunyo 2017 at sa bahay ni Marilyn tumutuloy.
“Tutol daw ‘yung Ronald sa relasyon ng ina dun sa victim kaya galit ito (suspek) at ayaw niya na nagpupunta sa bahay nila ang lalaki,” ani SPO3 Bragado.
Nahaharap sa kasong frustrated murder at attempted homicide ang mga suspek.