Ni Mary Ann Santiago

Sugatan ang limang estudyante at isang ina nang mabangga ng sports utility vehicle (SUV) habang tumatawid sa kalsada, nang humarurot ang naturang sasakyan sa tapat ng isang pampublikong paaralan sa Sta. Cruz, Maynila kamakalawa.

Nagtamo ng mga sugat sa katawan ang mga biktimang sina Mark Rv Suringa, 11, ng 1280 Tambunting Street; John Clarence Eusebio, 10, ng 1249 Tambunting St.; Rain Jasmine Piaton, 10, ng 2808 Pampanga St.; mag-inang Jonna, 43; at Marjorie Matawaran, 9, kapwa ng 2730 Sulu St.; pawang sa Sta. Cruz; at Aaron San Jose, 11, ng 208 Orani St., sa Tondo.

Arestado at sasampahan naman ng kasong reckless imprudence resulting in multiple physical injuries ang suspek na si Margarito dela Vega, 46, ng Jacob St., Poblacion, Tigaon, Camarines Sur, na siyang driver ng Toyota Innova (TOB-574).

Eleksyon

VP Sara, nag-eendorso raw para sa impeachment trial—solons

Sa ulat ni SPO1 Roberto Lorenzo, ng Vehicle Traffic Investigation Section ng Manila Police District (MPD), naganap ang aksidente sa tapat ng pinapasukang paaralan ng mga biktima sa Plaridel Elementary School, Lico Street, sa Sta. Cruz, dakong 6:30 ng gabi.

Una rito, minamaneho ng suspek ang kanyang sasakyan nang tumigil ito sa Lico St., upang bigyang-daan ang mga pedestrian.

Gayunman, aksidente umanong nakabig ni Dela Vega ang kambiyo ng sasakyan at umandar patungo sa pedestrian lane kaya nabangga ang mga biktima.

Nadamay din sa aksidente ang isang nakaparadang Yamaha motorcycle (for registration), na pag-aari ng isang Aries Recto Reyes.

Agad namang isinugod sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang mga biktima upang malunasan.