Ni Betheena Kae Unite

Patuloy na hinahanap ang 40 mangingisda matapos ang insidente sa Mangsee Island sa Palawan, kung saan 26 na motorbanca ang winasak ng alon sa pagbayo ng bagyong ‘Vinta’, kinumpirma kahapon ng Philippine Coast Guard (PCG).

Nagsasagawa ng search and rescue operations para sa 40 mangingisda na nawawala at sakay sa apat na motor launch, sinabi ni Capt. Armand Balilo, tagapagsalita ng Coast Guard, sa Balita.

Sinabi ni Balilo na apat na motor launch ang iniulat na naglayag mula sa Navotas City hanggang sa bahagi ng West Philippine Sea, partikular sa Balabac, Palawan para mangisda noong Oktubre.

National

Preventive suspension na inisyu ng Ombudsman, ‘politically motivated’—Mayor Marcy

Samantala, ang may-ari ng motor launch ay mula sa Navotas.

Nakikipag-ugnayan na ang PCG sa kanya upang makakuha ng karagdagang detalye sa mga nawawalang mangingisda.

Ayon pa kay Balilo, bukod sa 40 nawawala, mayroon pang hindi matukoy na bilang ng mga mangingisda na nawawala. 

“Meron pa (nawawala). ‘Yan lang report doon sa mga lantsa. Wala pang report doon sa mga small boats na tinamaan din ng bagyo,” sabi ni Balilo.

Sinabi ng PCG na nagpadala ng Coast Guard team sa Balabac sa Palawan upang alamin kung mayroong mga nakaligtas sa lugar.

Sinabi rin nito na ang lahat ng mangingisda, kabilang ang mga unang iniligtas “were all going to the same direction.”

Ipinadala ng PCG ang BRP Malapascua upang mapalawak ang search and rescue vessels mula sa Philippine Navy at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, na una nang hiningan ng tulong para sa rescue operations, ayon kay Balilo.

Nasa kabuuang 71 mangingisda ang una nang ni-rescue sa Mapun, Tawi-Tawi habang dalawa ang idineklarang patay. Sila ay natagpuan malapit sa Pamilikan Island sa Mapun, Tawi-Tawi.