Ni: Mary Ann Santiago
Selos ang tinitingnang anggulo sa pagpatay ng isang 15-anyos na lalaki sa dalawa niyang nakababatang kapatid at pananaksak niya sa sariling ina sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Inarawan, Antipolo City, Rizal, nitong Miyerkules.
Ayon kay Antipolo City Police chief Supt. Reynaldo Rosero, inaresto ang 15-anyos na suspek sa pagpatay sa kapatid niyang lalaki na edad 10, at sa kapatid niyang babae na siyam na taong gulang gamit ang gunting at kutsilyo.
Sugatan naman at ginagamot pa sa isang ospital sa Marikina City ang kanilang ina.
Nasa kustodiya na ngayon ang binatilyo ng Children and Women’s Desk ng Antipolo City Police.
Sa ulat ni PO2 Remalyn Camayo, nangyari ang krimen sa loob ng bahay ng pamilya dakong 10:00 ng gabi.
Sinabi ni Rosero na nainggit ang suspek sa kanyang mga kapatid dahil mas madalas umanong bigyan ng kanilang ina ng pera ang mga ito.