Ni: Charina Clarisse L. Echaluce
Tumaas ang bilang ng kaso ng leptospirosis at pagkamatay sa Pilipinas, kinumpirma kahapon ng Department of Health (DoH).
Batay sa pinakabagong disease surveillance report ng DoH, nasa kabuuang 910 kaso ng leptospirosis ang naitala mula Enero 1 hanggang Agosto 5.
“This is 71.1 percent higher compared to [na naitala] the same period as last year, which was 532,” saad sa ulat ng DoH.
Ang leptospirosis ay impeksiyon na sanhi ng leptospira interrogans bacteria. Ito ay nasasalin sa pamamagitan ng sugat kapag nalantad sa baha, halaman at buhangin na kontaminado ng ihi ng hayop, lalo na ng mga daga.
Ilan sa mga sintomas ng leptospirosis ang lagnat, muscle pain, reddish, yellowish body discoloration, madilaw at konti ang iniihi, matubig na dumi, at matinding pananakit ng ulo.
Tumaas din, ayon sa DoH, ang bilang ng mga namamatay; sa naitalang 96 o 10.55 fatality rate. Sa nasabi ring period noong nakaraang taon, aabot lamang sa 50 ang namatay o 9.40 fatality rate.
Samantala, karamihan sa mga kaso ng leptospirosis ay naitala sa National Capital Region, 172; sinundan ng Davao Region, 112; Western Visayas, 98; Central Luzon, 80; at Eastern Visayas, 72.
Maraming kaso ang naidagdag sa Eastern Visayas, 620 porsiyentong dagdag; Davao Region, 558%; Central Visayas, 390%; Caraga, 240%; at Cagayan Valley, 103%.