Nina Jel Santos, Orly L. Barcala, at Francis Wakefield

“Gusto namin ng hustisya!”

Naluluhang pahayag ni Lorenza Delos Reyes, 43, ina ng pinatay na 17-anyos na estudyante sa Caloocan City, na umuwi galing Saudi Arabia upang dumalo sa lamay ng kanyang anak, kahapon ng madaling araw.

Si Kian Loyd Delos Santos, Grade 11, ay napatay ng mga pulis matapos umanong pumalag sa pag-aresto sa Caloocan noong gabi ng Agosto 16. Ayon sa Caloocan police, drug runner ang binatilyo.

National

Eastern Police District, nakaantabay na sa pagbubukas ng klase sa June 16

Ngunit, ayon sa mga opisyal ng Barangay 160, hindi kabilang sa drug watch list ang estudyante.

‘TAMA NA PO! MAY TEST PA AKO BUKAS!’

Sa panayam sa Balita ng 13-anyos na saksi sa pangyayari, nakita niya na sinuntok at sinampal ng apat na pulis si Kian. Hindi umano nakasuot ng uniporme ang mga ito ngunit armado ng mga baril.

“Nakita ko po na sinampal at sinuntok nila si Kian nung wala silang makuha nung kinapkapan siya. Wala silang nakuha kaya nagalit sila,” ayon sa saksi.

Dagdag nito, nakiusap umano si Kian sa mga pulis: “Tama na po! Tama na po! May test pa ako bukas!”

Binitbit at hinila umano ng mga pulis si Kian, na nakumpirma sa closed-circuit television (CCTV) footage ng Barangay 160.

Sa footage, mapapanood ang isang binatilyo, na kinumpirma ng saksi bilang si Kian, na bitbit-bitbit ng mga pulis habang dumadaan sa isang basketball court.

Base sa ulat ng Caloocan Police, nanlaban si Kian sa pag-aresto sa kanya at pinaputukan ang mga pulis.

Ayon sa saksi, sinundan niya si Kian kung saan ito dinala ng mga pulis at narinig niya na inuutusan ng mga pulis na paputukin niya ang hawak na baril. Dinala si Kian sa ‘di kalayuang lote kung saan walang ilaw, sabi ng saksi.

“‘Eto ang baril. Iputok mo tapos tumakbo ka’, iyan po sinabi nung isang pulis,” kuwento ng saksi.

Hindi umano sumunod si Kian at tumakbo ito palayo.

“Doon po nakita ko na si Kian na tumatakbo. Pinagbabaril na po siya nun. Nanginginig po ako sa takot,” sabi ng saksi.

APAT NA PARAK SIBAK!

Sinibak kahapon sa puwesto ang apat na pulis na pawang nasa balag na alanganin kaugnay ng pagkamatay ni Kian.

Ito ang kinumpirma kahapon niNational Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Oscar Albayalde sa panayam sa DZBB.

IMBESTIGASYON UTOS NI BATO

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald “Bato” dela Rosa ang imbestigasyon sa pagpatay kay Kian.

“May imbestigasyon. Papaimbestigahan natin iyang mga ganyan at hindi natin iyan palalampasin. Isipin mo bata papatayin mo?” ani Dela Rosa.