Ni: Bella Gamotea
Patay ang tatlong pinaniniwalaang miyembro ng kidnap-for-ransom (KFR) group makaraang makipagbarilan sa Philippine National Police-Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) personnel, habang nailigtas naman ang kanilang biktima sa Biñan, Laguna kahapon.
Inaalam na ng Biñan City Police at ng Laguna Provincial Police Office ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Ligtas namang nabawi mula sa mga kidnaper si Anial Kumar Sohal, nasa hustong gulang.
Sa inisyal na ulat, naganap ang engkuwentro sa Southwoods tollgate, Barangay San Francisco, San Francisco, Biñan, Laguna, bandang 1:40 ng hapon.
Nakatakdang ihatid ni Sanile Sohal, family communicator (FC), ang P935,000-ransom money, na ang orihinal ay P20 milyon, na demand ng mga kidnaper.
Natunton at natukoy ng mga pulis ang sasakyan, Toyota Corolla (UMA 548), ng mga suspek at isinagawa ang rescue operation na nauwi sa ilang minutong barilan hanggang sa bumulagta ang mga suspek.