Ni: Liezle Basa Iñigo
Kalunus-lunos ang sinapit ng dalawang babaeng may kapansanan sa pag-iisip matapos pagsamantalahan, isa sa kanila ay nabuntis, ng tatlong lalaki sa magkahiwalay na insidente.
Sa impormasyon mula sa Lasam Police sa Cagayan, ang unang biktima na itinago sa pangalang “Nora”, 40, ay ginahasa noong Setyembre 2016 hanggang Disyembre 2016 at ang itinurong suspek ay si Jaime Malabad, Jr., 42, ng Barangay Centro 2, Lasam, Cagayan.
Nasundan pa umano ito ng panggagahasa ni Salvador Medinaceli, 55, ng Bgy. Battalan, Lasam noong Pebrero 2017.
Nagbunga ang pang-aabuso sa biktima ngunit namatay ang sanggol noong Hulyo 2017.
Nitong Agosto 14, magkasabay na sinampahan ng kaso sina Malabad at Medinaceli dahil sa paglabag sa RA 8353 (Rape).
Samantala, isa pang biktima, nasa edad 48, ang dumulog din sa Lasam PNP upang ireklamo ng panggagahasa si John Christopher Frugal, 27, ng Bgy. Cabatacan East, Lasam. Hinalay umano ni Frugal ang biktima noong Hulyo 14 ng kasalukuyang taon.
Kinasuhan na ang suspek sa Office of the Provincial Prosecutor, Ballesteros, Cagayan.