Ni MARY ANN SANTIAGO
Isang pulis-Maynila, na suspek sa pagpatay sa babaeng parak, ang tinambangan at pinatay ng anim na lalaking magkakaangkas sa tatlong motorsiklo habang inihahatid ang kanyang anak sa eskuwelahan sa Ermita, Maynila kahapon na nagresulta rin ng pagkasugat ng isang estudyante.
Kinilala ni Manila Police District (MPD) Director Police Chief Supt. Joel Napoleon Coronel ang biktima na si PO2 Mark Anthony Peniano, 34, nakatalaga sa Headquarters Support Unit ng MPD, at residente ng Pacheco Street, Tondo, Maynila.
Sugatan at ginagamot naman sa ospital si “Alvin”, na tinamaan ng ligaw na bala sa hita.
Inilarawan naman ng mga saksi ang mga nagsitakas na suspek na pawang nakasuot ng helmet at maskara.
Sa inisyal na ulat ni SPO2 Donald Panaligan, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), naganap ang pananambang sa Ayala Avenue, malapit sa kanto ng San Marcelino St., sa Ermita, bandang 7:00 ng umaga.
Ayon sa anak ng biktima, si Mica Ella, estudyante ng Emilio Aguinaldo College (EAC), galing sila sa bahay ng kanyang ama at ihahatid siya nito, sakay sa motorsiklo, sa eskuwelahan at pagdating sa Taft Avenue ay napakasikip ng daloy ng trapiko, kaya nagpasya umano ang biktima na kumaliwa sa Ayala Boulevard.
Gayunman, pagsapit sa naturang lugar ay sinabayan na sila ng anim na suspek at binaril ng isa sa mga ito ang biktima.
Tinangka pa umanong tumakbo ng biktima, ngunit muling pinagbabaril ng mga suspek sa ulo at iba pang bahagi ng katawan.
Nilapitan pa umano ng mga suspek si Peniano at muling pinagbabaril bago nagsisakay sa motorsiklo at humarurot.
Hindi naman sinaktan ng mga suspek si Mica Ella na hindi makapaniwala sa nangyari.
Narekober mula sa pinangyarihan ang 25 basyo ng bala na mula sa caliber .9mm at caliber .45 pistola.
Samantala, ipinag-utos na ni Manila Mayor Joseph “Erap” Estrada sa MPD na masusing imbestigahan ang pananambang kay Peniano, na ayon kay Coronel, ay kabilang sa kanilang high-value target at hinihinalang sangkot sa aktibidad ng ilegal na droga.
Itinuturing rin nila itong suspek sa pagpatay kay PO1 Jorsan Marie Alafriz, na pinaslang ng riding-in-tandem habang sakay sa kanyang kotse noong Marso 19.