Ni: Mary Ann Santiago
Naghihimas ngayon ng rehas ang isang estibidor makaraang ireklamo ng pambubugbog ng kanyang live-in partner sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004 si Bernardo Angeles, 29, matapos umanong saktan si Jay Ann Capada, 30, sa loob ng kanilang bahay sa 984 Carmen Planas Street sa Tondo.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Station 2, naganap ang pambubugbog dakong 8:00 ng umaga.
Una rito, sa hindi pa malamang dahilan, ay nagtalo ang suspek at ang biktima hanggang sa hatakin umano ni Angeles ang buhok ni Capada bago sinuntok sa mukha.
Agad namang inaresto ng mga pulis ang suspek at ikinulong.