Ni Hannah L. Torregoza

Bukas ang mga senador sa posibilidad na imbestigahan kung totoong may kinalaman si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa P6.4-bilyon shabu shipment makaraang mabanggit ang pangalan ng panganay na anak ni Pangulong Duterte sa mga nakalipas na pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa usapin.

Mismong si Sen. Panfilo Lacson ang nagsabing handa siyang magtanong sa bise alkalde tungkol sa kaugnayan nito sa mga taong tumatanggap umano ng suhol para mapalusot sa Bureau of Customs (BoC) ang mga kontrabando.

Ayon kay Lacson, may sarili siyang listahan ng mga dawit sa usapin, pero iba umano ito sa listahan ng customs broker na si Mark Taguba, na unang nagbanggit ng pangalan ng bise alkalde sa hiwalay na pagdinig ng Kamara.

Internasyonal

Magsisimula sana ng bagong buhay sa London: Doktor at pamilya nito, nasawi rin sa Indian plane crash

“May nagkakapareho (na mga pangalan sa kanilang listahan) pero may wala sa kanya na naroon sa list. Pati mga bagmen naroon. So, titingnan ko. Pero walang pangalan si Paolo roon definitely,” ani Lacson.

“Pwede rin tanungin kung i-elaborate ni Mark Taguba at kung may personal transaction directly with Paolo or, whoever is close to Paolo, puwedeng tanungin ‘yan,” sabi pa ni Lacson.

Una nang sinabi ni Sen. Richard Gordon, chairman ng komite, na wala siyang planong imbitahan sa pagdinig ang panganay ng Pangulo, dahil espekulasyon lang naman ang pagkakadawit ng bise alkalde sa usapin.