Ni: Ellalyn De Vera-Ruiz
Niyanig ng dalawang lindol ang Rizal at ilang lugar sa Metro Manila kahapon, ayon sa mga opisyal.
Itinala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang unang lindol na mayroong lakas na 3.9-magnitude bandang 12:31 ng umaga.
Natukoy ang epicenter nito sa apat na kilometro ng timog-silangan ng Pililla, Rizal.
Ang pagyanig ay “moderately strong” sa lakas na Intensity 4 sa Pililla at Antipolo City.
Naramdaman din sa Angono ang lindol sa lakas na Intensity 3, habang Intensity 2 naman ang naitala sa Tanay, Maynila, at Pasig City.
“Scarcely perceptible” naman ang naramdaman sa Quezon City sa lakas na Intensity 1.
Ang pangalawang lindol ay nangyari dakong 1:28 ng umaga na may lakas na 4.0 magnitude, may limang kilometro sa timog-kanluran ng Pililla.
Naramdaman ang Intensity 4 sa Pililla, Intensity 3 sa San Mateo at Montalban, at Intensity 1 sa Quezon City.
Ayon kay Rob Lim, Phivolcs geologist, ang mga lindol ay bunsod ng “deep-seated” underground fault ngunit nilinaw na ito ay “not attributed to the West Valley Fault System.”