Ni ORLY L. BARCALA

Patay ang sinasabing “hitman” ng isang big-time syndicate habang sugatan naman ang isang pulis at dalawang sibilyan nang tamaan ng ligaw na bala sa engkwentro sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.

Dead on the spot si Marlon Usla, alyas “Dagul”, 25, binata, ng Sun Flower Street, Barangay 177, Maligaya, dahil sa mga tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ligtas na sa tiyak na kamatayan si PO3 Salvador Agama makaraang barilin ni Usla.

Nasawi sa Air India nasa 270 na; pagkilala sa bangkay ng mga biktima, nagpapatuloy!

Maayos na rin ang lagay sa ospital ng isang 10-anyos na lalaki at isang 31-anyos na lalaki na kapwa nasapol ng ligaw na bala.

Base sa ulat, bandang 2:13 ng umaga nang nilusob ng mga tauhan ng Police Community Precinct (PCP) 5 ng Caloocan City Police ang bahay ni Usla, matapos makatanggap ng impormasyon ang mga pulis na naroroon ito.

Hindi pa man nakalalapit ang mga pulis, pinaulanan na sila ng bala ng suspek, at tinamaan si PO3 Agama, gayundin ang dalawang sibilyan.

Maging si PO2 Orly Ativo ay binaril din sa dibdib, pero hindi ito nasugatan dahil sa suot nitong bullet-proof vest.

Gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa pagkamatay ni Usla.

Nabatid na ang suspek ay miyembro at hitman ng Richard “Mon-Mon” Santos Drug Group, na itinuturing na Public Enemy No. 3 ng Eastern Police District (EPD).

Linya umano ng grupo ang drug trade, robbery hold-up, carnapping, at gun-for-hire.

Narekober umano sa suspek ang isang .45 caliber pistol at isang plastic sachet na may lamang shabu.